PSC Laro’t Saya, ilulunsad na rin sa buong bansa
By: Angie Oredo (Balita)

Hindi na lamang sa Quezon City Memorial Circle at Burnham Green sa Luneta Park masasaksihan ang grassroots development program ng Phillippine Sports Commission na Laro’t-Saya, Play and Learn kundi maging sa maluluwag at magagandang parke sa iba’t-ibang siyudad ng Metro Manila at probinsiya sa bansa.

Sinabi ni PSC Laro’t Saya project manager Dr. Lauro Domingo na nakatakda nang ipamahagi ng ahensiya sa isports ang guidelines na hinihingi ng mahigit na 120 local government units sa bansa na batay sa inilabas ng Office of the President of the Philippines na Memorandum Circular No. 49.

“The guidelines are now under review of PSC Chairman Richie Garcia and once approved, it will be forwarded and up for immediate implementation sa ating mga key cities and local government units,“ sabi ni Domingo.

Matatandaang ipinag-utos mismo ni Malacañang Executive Secretary Paquito Ochoa, sa ibinigay na kapangyarihan dito ng pangulo, ang Memorandum Circular No. 40 na nilalaman ang “Authorizing all government agencies and instrumentaliites to support and participate in the “Laro’t Saya sa Parke“ project.

Ipinaliwanag ni Domingo na base sa ilalabas na panuntunan, may tatlong elemento na nakatuon para makamit ang mithiin ng pamahalaan na mapalaki at mapaganda ang programa na isang “park-based sports for fun and recreation program that promotes an active lifestyle by engaging Fiipino families in sports and physical fitness activities“.
“It says in the guidelines about participation, support at adaptation ng program. Base din ito doon sa memorandum circular na hinihikayat sumali ang Government Owned Control Corporations(GOCC’s), State Universities and Colleges (SUC’s) at ang mga LGU’s,“ sabi pa ni Domingo.

“Iyong participation is how they can join in the program, support is mostly on the private sector’s help and then iyung adoption is kung paano nila maisasagawa ang programa sa kanilang mga siyudad,“ paliwanag ni Domingo.

Base sa guidelines ay PSC ang mamamahala sa pagsasagawa ng programa sa buong Metro Manila habang ang mga probinsiya na nagnanais na gayahin ang programa ang siya naman mamumuno sa lahat ng aktibidad bagaman may superbisyon at koordinasyon din ang ahensiya ng pamahalaan sa isports.

Samantala’y muling dinagsa ang kada linggong aktibidad sa Luneta Park matapos na lumahok ang kabuuang 508 katao. Ang aerobics ay may 210 sumali, 49 sa arnis, 61 sa badminton na tinulungan ng De La Salle volunteers, 11 sa chess, 108 sa football, 22 sa karatedo at 46 sa volleyball.