Pilipinas, humakot ng 3 tanso sa Asian Youth Para Games
By: Angie Oredo (Online Balita)

Humakot ng tatlong tansong medalya noong Sabado ang mga miyembro ng Philippine Sports Association for the Differently Abled— National Paralympic Committee of the Philippines (PhilSPADA-NPC Philippines) sa ginaganap na 2nd Asian Youth Para Games sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Ang tatlong tanso ay ang unang medalya ng bansa sa kada apat na taong torneo matapos na umuwing walang napanalunan sa unang edisyon na ginanap sa Tokyo, Japan noong 2009.

Ibinulsa ng bulag na si Jomer Anden ang unang medalyang tanso ng Pilipinas matapos na kapusin sa kampeonato ng Men’s 100M Youth T12 Finals sa torneong nagsimula noong Oktubre 26 at magtatapos bukas. Itinala nito ang kabuuang 12.85 segundo.
Iniuwi ni Mohd Faizal Aedil ng Malaysia ang gintong medalya sa isinumiteng 12.45 segundo habang ang pilak ay napunta kay Afiq Afifi Rizan ng Malaysia sa isinumiteng 12.54 segundo.

Kinapos din na makatuntong sa gold medal round ang kapwa orthopedically handicapped na sina Rommel Lucencio at Julian Intan makaraang silang mabigo sa kanilang krusyal na semifinal match.

Nalasap ni Lucencio ang 8-11, 6-11, 6-11 o 0-3 set na kabiguan upang ibigay sa Pilipinas ang ikalawang tansong medalya sa semifinals match nito kontra kay Ming Chee Chao ng Malaysia.

Hindi rin nakayanan ni Intan ang pakikipagharap nito kay Yajie Han ng China, 2-11, 5-11 at 5-11 para magkasya din sa tansong medalya.

Umaasa naman ang 20-kataong delegasyon ng Pilipinas na makapaguuwi ng gintong medalya mula kay Mark Anthony Bergado, isinilang na walang mga braso’t kamay, at sa wheelchair basketball team na patuloy na lumalaban sa 5-on-5 at maging sa 3-on-3. Kasama din sa inaasahan ng Pilipinas si Gary Bejino sa swimming.

Ang wheelchair basketball ay binubuo nina Freddie Magdayo, John Ericel Nicomedes, Kim Joshua Toledo, Kenneth Tapia, John Ray Escalante, Anthony Canabal, Ronualdo Catapang at Mark Realista Calvario.