NAKATAKDANG makipagkita ang Chef de Mission (CDM) team, sa pangunguna ni Philippine Sports Commission (PSC) chairman William 'Butch' Ramirez sa mga competition manager, president at secretary general ng mga national sports association (NSA) bukas sa Philippine International Convention Center (PICC).

Magsisismula ang meeting alas-10 ng umaga para pag-usapan ang preparation para sa nalalapit na hosting ng 30th Southeast Asian Games.

Dadalo rin sa pulong si Mr. Tom Carrasco, representante ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (Phisgoc) bilang Director of Operations.

Sa naganap na regular CDM team meeting kahapon, pinag-usapan ang isyu sa ticketing, venues, billeting, transportation at ang Torch Run para paghandaan ang nalalapit na biennial meet sa Nov. 30 hanggang Dec. 11.

Ayon kay Ramirez, Chef de Mission ng Team Philippines, sakaling may kulang pa sa paghahanda ay nandoon ang PSC para siguruhin na magiging maayos ang lahat.

"If there are any lapses, the PSC will come in to fill in the gaps. We have no more time. We have just a bit over two months before the Games," saad ni Ramirez.

Hinayag din ni Ramirez na nais ni President Rodrigo Duterte na maging maganda ang hosting ng SEA Games para mapasaya ang Pinoy.

Pang-limang beses nang nagpatawag ng meeting ang CDM team sa NSA officials para maresolbahan ang mga importanteng isyu.

 

 

 

Date: September 12, 2019 | By: Elech Dawa | Newspaper: Abante | Source: https://www.abante.com.ph/ramirez-pupulungin-ang-mga-nsa-para-sa-seag.htm?fbclid=IwAR1e2i0YsHvQhNE5KvTSkW3ezuukewJ1cW_xudELjDAYa3AUGWf2O9Te_og