PRAYORIDAD ng bagong hinirang na Philippine Sports Commission (PSC) Commissioner na si Walter Francis ‘Wawit’ Torres na masimulan ang isang kongkretong programa para sa mga atleta at coach, gayundin ang pagbabago sa sistema sa pag-apruba sa mga dokumento at request letter ng iba’t ibang sports associations.

Ayon kay Torres, ang kanyang mga karanasan bilang isang atleta, coach at opisyal ng isang Olympic organization ay maaaring maging malaking tulong sa kanyang pagsisimula sa kanyang bagong tungkulin bilang isa sa limang executives sa premyadong sports agency ng pamahalaan.

Isang Olympian fencer (1992 Barcelona) at Southeast Asian Games veteran na nagwagi ng apat na gintong medalya, iginiit ni Torres na lubos niyang nauunawaan ang kalagayan ng mga atleta at coach kung kaya ang kanilang seguridad at kalagayan ang nais niyang maihain sa pagsisimula ng bagong PSC Board higit at parating na ang bagong itinalagang chairman na si Richard ‘Dickie’ Bachmann.

Inaasahang makakasama si Bachmann sa PSC Board sa Miyerkoles mula sa bakasyon sa US. Siya ay hinirang bilang bagong PSC chairman, tatlong araw bago ang bagong taon kapalit ni dating PBA commissioner Noli Eala.

“Well, kailangan naming malaman kung ano ang direction na gustong tahakin ni Chairman (Bachmann). Ngunit dapat nating suriin kung ano ang mga kagyat na nababahala. Sa aking bahagi, ipapakita ko sa Lupon ang aking mga plano para sa kapakanan ng mga atleta at sisikaping pagbutihin ang patakaran sa kahilingan ng NSA.

“Hindi ko sinasabi na mali ‘yung current policy diyan, but we need drastic improvement para mas mapabilis ‘yung proseso sa mga request lalo na sa athletes training, allowances and participation abroad,” sabi ni Torres, personal na naranasan ang bureaucracy sa ahensiya bilang Secretary General noon ng Philippine Sports Association of the Differently Abled (PHILSPADA).

“Pero bahagi na ako ngayon ng mas malaking mundo (PSC). Hindi lang Para ang seserbisyuhan ko but all sports association. Dapat tayong magtulungan para sa tagumpay ng Philippine Sports,” ani Torres.

Sinabi ni Torres na sisikapin nilang maglabas ng isang sistema para mapanatili ang isang malaking pool ng mga pambansang atleta na tatanggap ng sapat na kompensasyon, edukasyon, at programang pangkabuhayan sa oras ng kanilang pagreretiro.

Sina Torres at kapwa bagong hinirang na commissioner na si Edward Hayco, dating pinuno ng Cebu Sports Commission, ay opisyal na ipinakilala ni Commissioner Olivia ‘Bong’ Coo sa mga tauhan ng PSC nitong Martes sa flag-raising ceremony.

 

Date: January 5, 2023 | By: Edwin Rollon | Newspaper: Pilipino Mirror | Source: https://pilipinomirror.com/atleta-prayoridad-ng-psc-torres/?fbclid=IwAR1NB8TgW2a-NOjL-PEdjY4ob0hgk3BK1l171bPmA1ODC7vXSsWA1SF5vJI