MANILA, Philippines  – Nakatakdang sumali sa Suzuki World Cup 2022 sa Japan sa susunod na linggo ang anim na aerobic gymnast sa pangunguna ni Southeast Asian (SEA) Games bronze medalist Charmaine Dolar.

Makakalaban ng mga Pinoy ang pinakamahuhusay na atleta mula sa Australia, Hungary, Japan, India, Indonesia, Italy, Mongolia, Thailand, at Chinese Taipei sa torneo na nakatakdang isagawa sa Ota City General Gymnasium sa Tokyo sa Disyembre 12-14.

Sasabak si Dolar sa women’s individual, mixed pair kasama si Carl Joshua Tangonan, at trio kasama sina Tangonan at Lynette Ann Moreno.

Magpapakitang gilas din sina Tangonan at Moreno sa invidual events.

Sina Dorothy Grace Asuncion at Enrico Ostia ang bumubuo sa isa pang mixed pair habang ang dalawa at si Christian Roi Ramayrat ay kasama sa trio event.

Ibinulsa ni Dolar ang kanyang ikalawang sunod na indibidwal bronze medal sa Vietnam SEA Games noong Mayo, habang si Moreno ay nanalo ng trio bronze medal kasama sina Moreno, Queenie Grace Briones, at Christopher Daniel Quevado sa 1st Aerobic Asian Cup sa Mongolia noong 2018.

 

 

Date: December 4, 2022 | By: JC| Newspaper: Remate | Source: https://www.remate.ph/ph-gymnasts-lalahok-sa-suzuki-world-cup-sa-japan/?fbclid=IwAR3RrQoKjdA8Ms3G8ClpT8mCvP2pBX-g_txcAIFGCWwSsCfAE8Qz59lHIGk