MANILA, Philippines — Pinagpag ng Gilas Pilipinas ang host na Vietnam, 88-60, upang mapanatiling malinis ang kartada sa 31st Southeast Asian Games sa Thanh Tri Gymnasium kagabi sa Hanoi.

Ito na ang ikaapat na sunod na panalo ng Gilas matapos ding daigin ang Thailand, Cambodia at Singapore. Magpapahinga ang Gilas ngayon bago ituloy ang gold medal drive kontra sa Malaysia at Indonesia sa weekend.

Kumulimbat ng 25 puntos sa pambihirang 10-of-12 shooting si June Mar Fajardo sahog pa ang 11 rebounds upang trangkuhan ang balanseng atake ng mga bataan ni coach Chot Reyes.

 

May tig-12 markers din sina Kiefer Ravena at Lebron Lopez para sa Gilas na misyong masungkit ang ika-14 sunod na gintong medalya matapos walisin ang nakaraang SEA Games edition dito sa bansa noong 2019.

Nalasap ng Vietnam sa kabila ng homecourt advantage ang una nilang kabiguan upang mahulog sa 1-2 baraha.

 

Samantala, gumulong sa ikatlong sunod na tambak na panalo ang Gilas Pilipinas women’s matapos kaldagin ang Vietnam, 118-87.

Nagningning para sa Nationals si Khate Castillo, na nagpakawala ng 25 puntos sa likod ng pitong tres sa 20 minutong aksyon lamang upang giyahan ang kanilang dominanteng 31-point win.

Dahil dito ay 3-0 na ang Gilas papasok sa huling dalawang laban nila kontra Singapore at Malaysia, na wala pa ring talo bilang pinakamalaking harang sa kanilang gold medal defense.

 

Date: May 20, 2022 | By: John Ulanday | Newspaper: Philippine Star | Source: https://www.philstar.com/pilipino-star-ngayon/palaro/2022/05/20/2182457/gilas-pinasadsad-ang-vietnam