Yulo bibigyang atensiyon ang mental health

MANILA, Philippines — Maliban sa physical training, nakasentro rin ang atensiyon ni world champion Carlos Edriel Yulo sa aspetong mental habang nasa puspusang paghahanda ito para sa Tokyo Oympics.

Masaya ang 21-anyos gymnast na ginagabayan ito ni Japanese mentor Munehiro Kugimiya hindi lamang sa regular workout maging sa mental training.

Isa sa mga ginagawa ni Yulo ang maging masaya sa training sa loob ng gym sa kabila ng matinding dinaranas ng lahat sa labas dahil sa pandemya. “Naka-focus ako sa kung paano mag-training ng masaya. Marami akong natutunan ngayong pandemic lalo na kung paano ko mai-improve ‘yung sarili ko,” ani Yulo.

Ilang taon nang nasa Tokyo, Japan si Yulo para paghandaan ang Tokyo Olympics.

Dahil sa pagtaas ng bilang ng tinatamaan ng COVID-19 doon, madalas na nasa loob lamang ito ng bahay, gym at school upang makaiwas sa covid.

“Thankful ako kay coach (Munehiro) dahil nandyan siya parati sa training at sa lahat ng bagay. Talagang ginagabayan niya ako,” dagdag ni Yulo.

Isa si Yulo sa may pinakamalakas na tansang makasungkit ng kauna-unahang gintong medalya ng Pilipinas sa Olympics.

Nakasikwat ito ng gintong medalya sa men’s floor exercise noong 2019 FIG World Artistic Gymnastics Championships sa Stuttgart, Germany.

Humakot din ito ng dalawang ginto at limang pilak noong 2019 Southeast Asian Games sa Manila.

Makakasama ni Yulo sa Tokyo Olympics sina boxers Eumir Felix Marcial, Nesthy Petecio, Irish Magno at Carlo Paalam, pole vaulter Ernest John Obiena ng athletics at Rio Olympics silver medalist Hidilyn Diaz ng weightlifting.

Date: May 4, 2021 | By: Russel Cadayona | Newspaper: Philippine Star | Source: https://www.philstar.com/palaro/2021/05/04/2095634/yulo-bibigyang-atensiyon-ang-mental-health/amp/