Wushu athletes ipapadala sa Wuhan para magsanay

MANILA, Philippines — Plano ng wushu federation na ipadala ang anim na sanda athletes sa isang trai­ning camp sa Wuhan, China bilang pre­paras­yon sa 31st Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam at 19th Asian Games sa Hangzhou, China sa susunod na taon.

Sa TOPS Usapang Sports on Air kahapon ay sinabi ni national coach Samson Co na magsasanay ang nasabing mga atleta sa Wuhan Sports Institute sa Disyembre.

Ang mga nalalabing atleta naman ay magsasanay sa kanilang gym sa Rizal Memorial Sports Complex sa Manila City.

“So far Wuhan is very safe na ngayon,” wika ni Co sa nasabing lugar sa China na sinasabing pinagmulan ng coronavirus disease (COVID-19). “Zero cases na sila ng COVID-19 and I’m sure na safe naman sila kasi na-confirm ko na po iyan.”

Noong 2019 SEA Games na pinamahalaan at pinagharian ng Pilipinas ay kumubra ang mga national wushu artists ng kabuuang 7 gold, 2 silver at 2 bronze medals.

Nilinaw ng national head coach na tanging ang mga siguradong sasabak lamang sa Vietnam SEA Games ang magsasanay sa Wuhan.

Date: November 19, 2021 | By: Russel Cadayona | Newspaper: Philippine Star | Source: https://www.philstar.com/pilipino-star-ngayon/palaro/2021/11/19/2142221/wushu-athletes-ipapadala-sa-wuhan-para-magsanay