Umpisa na ang training sa Calam-bubble

MANILA, Philippines — Bagama’t wala pang katiyakan kung matutuloy ang 2021 Olympic Games sa Tokyo, Japan ay sinimulan na ng national karatedo ang kanilang ‘bubble’ training sa Inspire Sports Aca­demy sa Calamba, Laguna.

Ang pagpapakondis-yon muna ang naging unang aktibidad nina 2019 Southeast Asian Games gold medalist Jamie Lim, Alwyn Batican, Iva Agustin at Sharief Afif bago sumabak sa sparring.

Target nina Lim, Batican, Agustin at Afif, kasama sina 2019 SEA Games gold medal winner Junna Tsukii at bronze medalist Joane Orbon, na makakuha ng tiket sa 2021 Tokyo Olympics.

 

Si Tsukii ay nananatili sa Japan, habang nasa United States si Orbon.

Bukod sa national karatedo team, nasa ‘Calambubble’ rin ang mga national squads ng boxing at taekwondo.

Sa isinagawa namang dalawang polls sa mga nakaraang araw ay 80 porsiyento ng mga Japanese ang gustong ipagpaliban o tuluyan nang kanselahin ang 2021 Olympics sa Tokyo sa Hulyo dahil sa patuloy na pagtaas ng mga kaso ng nagpositibo sa coronavirus disease (COVID-19) sa Japan kung saan iniatras ang pagdaraos ng quadrennial event noong 2020.

Date: January 21, 2021 | By: Russell Cadayona | Newspaper: Philippine Star | Source: https://www.philstar.com/pm-sports/2021/01/21/2071955/umpisa-na-ang-training-sa-calam-bubble/amp/