Sports officials kumpiyansang matutuloy ang 2021 Vietnam SEAG

Sa gitna ng COVID-19 pandemic
MANILA, Philippines — Kung ang Olympic Games na idaraos sa Tokyo, Japan ay naiatras dahil sa coronavirus disease (COVID-19) pandemic, posible ba itong mangyari sa 31st Southeast Asian Games?

Kumpiyansa si Karate Pilipinas Sports Federation Inc. president Richard Lim na matutuloy ang pagdaraos ng nasabing biennial meet na nakatakda sa Nobyembre 21 hanggang Disyembre 2 sa Hanoi, Vietnam.

“November is still far pero of course, para sa mga atletang naghahanda malapit na iyon,” sabi kahapon ni Lim sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum webcast edition. “But I’m really looking forward to the vaccines. Palagay ko aabot naman.”

 

“Actually, ang Vietnam nakapagdalawang championship na sila sa karate,” dagdag pa nito.

Ang Vietnam ang may pinakamababang kaso ng mga COVID-19 positives sa Southeast Asia sa bilang na 1,539 kung saan 35 lamang ang naitalang namatay.

Dahil sa kakulangan ng ensayo ng mga atleta bunga ng coronavirus ay aminado sina Philippine Olympic Committee (POC) president  Abraham ‘Bambol’ Tolentino at SEA Games Chef De Mission Ramon Fernandez na mahihirapan nang maidepensa ng Team Philippines ang overall crown sa 2021 SEA Games.


Hanggang ngayon ay wala pang ‘go signal’ ang Inter-Agency Task Force (IATF) para sa pagbabalik-ensayo ng mga national athletes na maghahanda sa 2021 SEA Games.

“The process is we have to get IATF clearance for that. I think the PSC and the Chef De Mission si Com. Mon (Fernandez) are working on the IATF go signal,” ani PSC National Training Director Marc Velasco Velasco.

Tanging ang mga atletang lalahok sa qualifying tournaments ng 2021 Tok­yo Olympics ang binigyan ng IATF ng ‘green light’ para sa ‘bubble’ training sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna.

Date: January 20, 2021 | By: Russel Cadayona | Newspaper: Philippine Star | Source: https://www.philstar.com/palaro/2021/01/20/2071581/sports-officials-kumpiyansang-matutuloy-ang-2021-vietnam-seag/amp/