SEAG, ASIAD PINAGHAHANDAAN NA NG PSC

HINDI lamang Southeast Asian Games at Asian Games ang paghahandaan ng Team Philippines sa susunod na taon kung kaya nangangailangan ang Philippine Sports Commission (PSC) ng pang-unawa sa mga miyembro ng National Team at iba pang stakeholders para sa muling paghihigpit ng sinturon.

Ayon kay PSC Chairman William ‘Butch’ Ramirez, ang patuloy na pakikipaglaban ng pamahaalan sa COVID-19 ay may malaking apekto sa pagsasanay ng atletang Pinoy kung kaya  inaasahan ang mga kahilingan ng National Sports Commission (NSAs) para sa posibleng pagsasanay sa abroad.

“We’re expecting sports association to request additional equipment and training abroad since hindi pa pinapayagan sa atin ang face-to-face training at karamihan sa ating mga atleta ay kanya-kanyang training sa probinsiya dahil limitado pa ‘yung bubble training,” pahayag ni Ramirez.

“Naiintindihan namin. Handa naman ang PSC, pero kami rin po ay humihingi ng pang-unawa dahil ‘yung budget natin ay hindi puwedeng ilaan lamang sa isang aspeto. ‘Yung allowances ng ating mga atleta at coach tuloy ‘yan kahit may pandemya at siyempre, may dalawang major multi-sports event tayong pinaghahandaan,” ayon kay Ramirez.

Naurong ang SEA Games na nakatakda sana ngayong taon bunsod ng mataas na bilang ng COVID-19 cases sa Vietnam. Defending overall champion ang Pilipinas sa SEAG kung kaya inaasahang malaking delegasyon ang ipadadala ng bansa, habang kasunod nitong lalahukan ang Asian Games sa China.

Date: September 15, 2021 | By: Edwin Rollon | Newspaper: Pilipino Mirror | Source: http://pilipinomirror.com/seag-asiad-pinaghahandaan-na-ng-psc/?fbclid=IwAR29BvB6snvWepXP3YMUzHO68v5ANH4CDg-qiRPigB3VvWSY0EbR23uPrX0