PSC tinututukan ang mga national athletes

Sa gitna ng COVID-19 pandemic
MANILA, Philippines — Tiniyak ng Philippine Sports Commission (PSC) na mino-monitor nila ang lahat ng national athletes sa kinakaharap na coronavirus disease (COVID-19) pandemic.

Ayon kay PSC Commissioner Arnold Agustin, regular nilang nakakausap ang mga national athletes pati na ang kanilang mga coaches.

“Actually, constant ‘yung communication namin sa kanila and with the different NSAs (National Sports Associations),” ani Agustin sa panayam sa PSC Hour. “May mga online training din silang ginagawa at pinapadalhan nila ako ng updates about their training.”

 
Isa ang sports sa lubhang apektado ng COVID-19 kung saan ipinagbabawal ang mga physical activities at contact sports sa ilalim ng general community quarantine (GCQ).

Nang pumutok ang COVID-19 noong Marso ay kaagad pinauwi ni PSC chairman William ‘Butch’ Ramirez ang mga national athletes at coaches sa kanilang mga probinsya.

 
“Sabi ko sa kanila keep on training para at least ma-maintain nila ‘yung endurance and competitiveness nila until such time na mawala na ‘yung pandemya,” ani Agustin sa mga national athletes.

Dahil sa COVID-19 ay pansamantalang ipinagamit ng PSC sa Inter-Agency Task Force (IATF) ang Ninoy Aquino Stadium at Rizal Memorial Coliseum sa Rizal Memorial Sports Complex sa Vito Cruz, Manila para sa mga COVID-19 patients.

Kaagad ipapa-disinfect ng komisyon ang nasabing training facilities para magamit ng mga athletes sakaling lumuwag ang community quarantine, ayon kay Agustin.

Date: June 30, 2020 | By: Russel Cayadona | Newspaper: Philippine Star | Source: https://www.philstar.com/pilipino-star-ngayon/palaro/2020/06/30/2024466/psc-tinututukan-ang-mga-national-athletes?fbclid=IwAR2Y-NjSdv7MA91YcWZUE92xMikq28KTXDoC1TPUAzWTLFEaEYqLl7jW-Nc