PSC nagbigay ng rekomendasyon sa IATF at DOH

MANILA, Philippines  — Ang pagbabalik ng mga sports at fitness activities ay magiging depende sa quarantine classification ng isang lungsod o rehiyon.

Naglabas kahapon ang Philippine Sports Commission (PSC) ng rekomendasyon sa Inter-Agency Task Force (IATF) at Department of Health (DOH) na may pamagat na “Framework Tool for Reintroducing Sport in a COVID-19 Environment”.

Ayon sa nasabing guidelines na nagmula sa Philippine Sports Institute Medical, Scientific and Athletic Services, dapat munang payagan ng gobyerno ang mga individual workouts at activities patungo sa small group activities na hanggang 10 tao lamang.

 
Mangyayari naman ang mga large group activities at full contact sports kapag inalis na ang Enhanced Community Quarantine.

Sa mga lugar na nasa Enhanced Community Qua­rantine (ECQ) ay inireko­menda ang exercise sessions nang mag-isa o kasama ang pamilya at mga video tele-exercise sessions sa loob lamang ng bahay.

 
Puwede naman sa mga Modifield Enhanced Community Quarantine (MECQ) areas ang cycling, badminton, running, kata events ng karate at open water swimming.

Sa General Community Quarantine (GCQ) ay inire­rekomenda ang barangay zumba sessions at swimming na walang pagtatagpo ng dalawang tao sa shower o change rooms.

Sa mga nasa Modified General Community Qua­rantine (MGCQ) ay puwede nang gumamit ng public equipment sa mga gyms o fitness centers habang bawal naman ang mga non-contact scrimmages sa mga team events.

Papayagan naman sa contact sports ang paggamit ng heavy bag, speed bag at mitts ngunit bawal ang person-to-person sparring.

Date: May 22, 2020 | By: Russell Cayadona | Newspaper: Philippine Star | Source: https://www.philstar.com/pilipino-star-ngayon/palaro/2020/05/22/2015567/psc-nagbigay-ng-rekomendasyon-sa-iatf-doh?fbclid=IwAR2zSz-aeXqdPTAR03D9HdEw1nTCF7IxXSBGHnzFnS9Evkv-BCkGOwogYL4