PSC inihahanda ang protocols para sa bubble training ng mga atleta

MANILA, Philippines — Dahil wala pang katiyakan kung kailan huhupa ang COVID-19 surge ay inaayos na ng Philippine Sports Commission (PSC) ang gagamiting health and safety protocols para sa mga national teams na papasok sa bubble training.

Ang bubble-type setup training ang nakikitang solusyon ng PSC para maipagpatuloy ng mga national athletes ang kanilang paghahanda para sa mga lalahukang international competitions ngayong taon.

Kabilang sa mga sasabakan ng Team Philippines ay ang 31st Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam sa Mayo at ang 19th Asian Games sa Hangzhou, China sa Set­yembre.

Ipinagpaliban kahapon ng PSC ang muling pagbubukas ng kanilang mga pasilidad sa Rizal Memorial Sports Complex sa Manila City at Philsports Complex sa Pasig City dahil sa COVID-19 surge bunga ng Omicron variant.

Muling ginamit ang nasabing mga pasilidad ng Inter-Agency Task Force (IATF) at ng Department of Health (DOH) bilang quarantine centers.

Inilagay ng IATF sa mahigpit na Alert Level 3 ang Metro Manila at mga karatig probinsya simula noong Enero 3 hanggang 15 bunga ng pagsirit ng mga COVID-19 cases simula nitong buwan.

Nauna nang ipinasok sa bubble training ang mga national athletes ng boxing, triathlon at karate bilang paghahanda sa Hanoi SEA Games at Hangzhou A­siad.

Date: January 11, 2022 | By: Russell Cadayona | Newspaper: Philippine Star | Source: https://www.philstar.com/pilipino-star-ngayon/palaro/2022/01/11/2153085/psc-inihahanda-ang-protocols-para-sa-bubble-training-ng-mga-atleta