Poc new members, titiyaking uunahin ang mga atleta

Sisiguraduhin ng mga bagong hirang na miyembro ng Philippine Olympic Committee (POC) Athletes Commission sa kanilang kapwa atleta na magkakaroon ng halaga ang mga boses nito, gayundin ang tiyak na masasandalan sa loob ng apat na taon.


Kasunod ito ng pagkakahirang sa limang atletang Filipino noong Sabado na kinabibilangan nina swimmer Jesse Khing Lacuna, Francesca Altamonte ng Softball, Nikko Huelas ng Triathlon, Jake Letts ng Rugby at Samuel Morrison ng Taekwondo.


“We will be the bridge between the athletes and the Philippine Olympic Committee,” pahayag ni Lacuna nang bumisita sa lingguhang PSA Forum sa Maynila. “We are here to provide the link,” dagdag ng dating 2016 Rio Olympic participant.


Binanggit din ni Lacuna na maaari ring maging parte ng komisyon si Rio Summer Games silver medalists Hidilyn Diaz ng weightlifting dahil inirerekomenda ng komisyon na kinakailangang magkaroon man lang ng dalawang Olympians (tig-isang babae’t lalake), kapalit si Morrison.


Idinagdag din ni Lacuna na buong serbisyo niyang magagampanan ang kanyang tungkulin bilang parte ng komisyon dahil sa pag-anunsiyo nito ng pagreretiro sa kompetisyon. Bilang chairman ng commission ay makakadalo na ito sa mga general assembly at may karapatang bumoto rito.


Gagampanan umano ng 26-anyos na swimmer ang sinumpaang tungkulin para sa kapakanan ng pambansang atleta. “What the athletes need we will help address. This is very important,” sambit ni Lacuna.


Samantala, nabigyan naman ng pagkakataon si Sambo national athlete Sydney Sy Tancontian na maging miyembro ng Athletes Commission ng International Sambo Federation (FIAS) simula 2020 hanggang 2024.


Makakasama ng 19-year-old na two-time World Sambo bronze medalist sina Badreddine Diani ng Morocco, Laure Fournier ng France at Ivana Jandric ng Serbia sa loob ng apat na taon. “Very much appreciated po dahil napagkatiwalaan ako ng mga kasama namin sa Sambo community. I will do my best to serve our common athletes,” wika ni Tancontian, na nagwagi rin sa 30th Southeast Asian Games bronze medal sa women’s over 78-kgs category sa Kurash event.

Date: January 16, 2020 | By: Gerard Arce | Newspaper: Bulgar Online | Source: https://www.bulgaronline.com/single-post/2020/01/16/Poc-new-members-titiyaking-uunahin-ang-mga-atleta