PhilSports, RMSC bubuksan na

MANILA, Philippines — Tuloy na ang muling pagbubukas ng mga pasilidad ng Philippine Sports Commission (PSC) para sa mga national athletes sa Rizal Memorial Sports Complex sa Manila City at sa PhilSports Arena sa Pasig City.

Ito ang sinabi kahapon ni PSC Commissioner Ramon Fernandez sa PSC Hour program matapos makakuha ng ‘greenlight’ mula sa Inter-Agency Task Force (IATF) at Department of Health (DOH).

“Pinayagan na tayong gamitin iyong ULTRA (Philsports). Iyong track oval, swimming pool at tsaka lahat ng facilities dito sa loob, fencing, iyong gymnasium natin, iyong bagong building na pang-canteen sana na three floors dito puwedeng gamitin iyan ng martial arts,” ani Fernandez.

Hiniram ng IATF at DOH ang RMSC at Philsports sa kasagsagan ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic noong nakaraang taon para gawing quarantine isolation facilities.

Dahil dito ay natengga ang pagsasanay ng mga national athletes na ang ilan ay ipinasok sa bubble training sa iba’t ibang probinsya.

“Iyong iba naman sa Rizal (RMSC). Dapat puwede na rin silang mag-umpisa doon,” wika ni Fernandez. “Malayo naman sila sa doon sa mga quarantine at isolation facilities doon.”

Paghahandaan ng mga atleta ang 2 international events sa susunod na taon na 31st Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam sa Mayo at ang 19th Asian Games sa Hangzhou, China sa Setyembre.

Date: November 27, 2021 | By: Russell Cadayona | Newspaper: Philippine Star | Source: https://www.philstar.com/pilipino-star-ngayon/palaro/2021/11/27/2144058/philsports-rmsc-bubuksan-na?fbclid=IwAR2ln_sixzbptcIFKMCG2DjTAXou_QxnzJZz8wx14Wld7Nel4Rr7jTEcfSc