Petecio gustong makumpleto ang pangarap

MANILA, Philippines — May dalawa pang malalaking torneo na tinatarget ni Pinay boxer Nesthy Petecio na mapagwagian para makumpleto ang kanyang pangarap.

Ito ay ang Asian Games at Olympic Games, ayon sa gold medalist ng 2019 AIBA Women’s World Boxing Championships.

“Asian Games at sa Olympics na lang po,” wika ng tubong Santa Cruz, Davao del Sur. “Iyong dalawang iyon. Siguro kapag nakuha ko na po iyon, puwede na, puwede nang magrelax-relax na muna.”

 

Isa ang 28-anyos na si Petecio sa mga amateur boxers na nagtatangkang makasuntok ng tiket para sa 2021 Olympic Games sa Tokyo, Japan.

“Si Nesthy kasi nasa utak niya na kailangan talagang ngayon na maka-qualify,” wika ni national head coach Nolito ‘Boy’ Velasco. “Kailangan maging Olympian siya talaga eh. Iyon ang hindi niya nakuha eh.”

Nakatakdang sumabak si Petecio sa Olympic Qualifying Tournament sa Mayo ng susunod na taon.


Nauna nang nakakuha ng Olympic berth sina bo­xers Eumir Felix Marcial at Irish Magno, pole vaulter Ernest John Obiena at gymnast Carlos Edriel Yulo.

Date: September 15, 2020 | By: Russel Cadayona | Newspaper: Philippine Star | Source: https://www.philstar.com/palaro/2020/09/15/2042540/petecio-gustong-makumpleto-ang-pangarap/amp/