Olympic boxers kailangan nang bumalik sa training

MANILA, Philippines — Balak ng Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) na buksan ang kanilang training bubble sa Setyembre 20 para sa preparasyon sa mga lalahukang international tournaments.

“We’re hoping na iyong mga Olympian boxers, medalists or not, could return to training by September 20,” sabi ni ABAP secretary general Ed Picson sa Philippine Sports Commission (PSC) Hour.

Hanggang ngayon ay abala pa rin sina Tokyo Olympics silver medalists Nesthy Petecio at Carlo Paalam at bronze medal winner Eumir Felix Marcial sa pagtanggap ng kanilang mga cash incentives at individual awards.

Ayon kay Picson, malabo nang makasama sina Petecio, Paalam at Marcial sa isasabak sanang koponan sa 2021 AIBA World Championships sa Belgrade, Serbia sa Oktubre 24.

Kaya mas minabuti ng ABAP na huwag nang magpadala ng tropa sa nasabing torneo at sa halip ay mas tututukan ang Southeast Asian Games at Asian Games sa 2022.

“Actually, they were there not just to be sparring partners but also part of their training para sa SEA Games Asian Games and other competitions which might come our way,” ani Picson.

Idaraos ang 2022 SEA Games sa Hanoi, Vietnam, habang sa Hangzhou, China gagawin ang Asian Games.

Date: September 14, 2021 | By: Russell Cadayona | Newspaper: Philippine Star | Source: https://www.philstar.com/pm-sports/2021/09/14/2126945/olympic-boxers-kailangan-nang-bumalik-sa-training/amp/