OLYMPIC BERTHS TARGET NG PINOY SURFERS

SASABAK ang mga Filipino shortboard surfer para sa pagkakataong makapaglaro sa inaugural Olympic surfing competition sa Tokyo, Japan sa Hulyo.

Sisikapin ng Philippine surfing team na makopo ang nag-iisang Asian Olympic ticket per gender sa 2021 ISA World Surfing Games na nakatakda sa Mayo 29 hanggang Hunyo 6 sa El Salvador.

Sina 2019 Southeast Asian Games gold medalist Nilbie Blancada, bronze medalist Daisy Valdez, at teenage surfer Vea Estrellado ang mga babaeng surfer na lalahok sa kumpetisyon.

Ang men’s side ay kinabibilangan nina 2019 SEA Games bronze medalist John Mark Tokong, Jay-R Esquivel at Edito Alcala, Jr.

Ayon kay United Philippine Surfing Association president Dr. Raul Canlas, ang anim na atleta ang top three shortboard surfers sa kani-kanilang national rankings, base sa kanilang performances sa iba’t ibang legs ng Philippine Surfing Championship Tour.

Aniya, sa gitna ng pandemya, ang mga surfer ay patuloy na nagsanay sa La Union at Siargao, na may maluwag na  quarantine restrictions. Hindi nakasama si Tokong sa pag-sasanay ng koponan dahil minabuti niya at ng kanyang coach na mag-ensayo sa Australia.

“This pandemic changed our course a bit, but we stayed on track with our blueprint, still doing strength and conditioning, yoga, and water training. As you can remember, water sports is one of the physical activities allowed by the IATF, so our surf-specific training resumed right away, not like the other sports,” sabi ni Canlas sa CNN Philippines.

Kumpiyansa si Canlas na sinuman sa mga Filipino surfer ay maaaring makakuha ng Olympic slot dahil pamilyar sila sa kanilang mga katunggali lalo na ang Asian foes, at sumabak na sila sa iba’t ibang international tournaments bago ang  pandemya.

“Our chances may look slim as we are just battling for one slot. But Japan, which ranked top 1 in the 2019 WSG (World Surfing Games), already qualified their surfer as a host country. Basically, we’re just down to battling with Indonesia for the last slot in both male and female divisions,” paliwanag ni Canlas.

Date: May 18, 2021 | Newspaper: Pilipino Mirror | Source: http://pilipinomirror.com/olympic-berths-target-ng-pinoy-surfers/