Obiena tuloy lang sa training sa Italy

MANILA, Philippines — Doble-ingat si Southeast Asian Games pole vault record holder Ernest John Obiena na kasalukuyang nagsasanay sa Italy - ang nangungunang bansa sa labas ng China na lubos na tinamaan ng coronavirus (COVID-19).

Masuwerte si Obiena dahil kakaunti lamang ang tinamaan ng virus sa Formia - ang lugar ng kanyang training camp - hindi tulad ng ibang parte ng Italy na ilang libo na ang nagkaroon ng coronavirus.

Kaya naman mahigpit na sumusunod sa patakaran ang Pinoy champion para makaiwas sa natu-rang sakit.

 
“So far, my mga testings dito everytime na papasok kami ng training centers, may mga lockdown at nagstock up na kami ng pagkain kasi skeletal force lang ang lumalabas dito,” ani Obiena.

Isa si Obiena sa mga nagpasyang manatili sa Italy para ipagpatuloy ang training. May limang tracksters ang kasama nito sa camp - tatlong Italians, isang Brazilian at isang British.

 
Naghahanda si O­biena para sa 2020 Olympic Games na idaraos sa Tok­yo, Japan sa Hulyo 24 hanggang Agosto 9.

Ayaw ni Obiena na magpaapekto sa mga nag­lalabasang ulat para hindi mawala ang focus nito sa training.

Ilang mga grupo na ang nananawagan na kanselahin muna ang Olympics dahil hindi pa humuhupa ang krisis sa coronavirus.

Ngunit walang balak ang gobyerno ng Japan na ipagpaliban ito.

Kinatigan din ng International Olympic Committee ang pahayag ng Japan dahil masyado pang maaga para agad na magdesisyon sa kanselasyon.

Kaya naman tuloy lang sa ensayo si Obiena.

“For us, athletes, Olympics is the pinnacle of everything, of all your career and this is my first Olympics. Then, there’s a chance na hindi pa matuloy,” ani Obiena.

Nagpasalamat si Obiena sa Italian Olympic Committee na nangangalaga sa kanila sa Formia.

“Their Olympic Committee is taking care of us too. As athlete, yung buhay natin umiikot sa sports pero sa panahon ngayon merun pang mas importantanteng bagay na umiikot sa sports,” aniya.

Mas mahalaga pa rin aniya ang masiguro ang kaligtasan at kalusugan ng bawat isa.

Date: March 22, 2020 | By: Chris Co | Newspaper: Philippine Star | Source: https://www.philstar.com/pilipino-star-ngayon/palaro/2020/03/22/2002557/obiena-tuloy-lang-sa-training-sa-italy