Obiena bronze sa Poland meet

MANILA, Philippines — Bronze medal ang hinablot ng 6-foot-2 Filipino pole vaulter na si Ernest John Obiena sa Poznan Athletics Grand Prix sa Poland na pahagi ng kanyang  paghahanda para sa 2021 Olympic Games sa Tokyo, Japan.

Nagposte ang 2019 Southeast Asian Games gold medalist ng 5.52 metro sa kanyang ikalawang attempt para makuha ang tansong medalya matapos maagaw ni Robert Sobera ng Poland ang silver sa itinala ring 5.52m ngunit nagawa niya ito sa kanyang unang attempt.

Si Polish bet Piotr Lisek ang nagbulsa ng gintong medalya sa nilundag na 5.72m.

 

Galing ang 24-anyos na si Obiena sa gold medal finish sa nakaraang 59th Ostrava Golden Spike sa Czech Republic kung saan naglista siya ng 5.74m para talunin sina 2016 Rio de Janeiro Olympic Games silver at bronze medalist Renaud Lavillenie ng France at San Kendricks ng United States, ayon sa pagkakasunod.

Hangad ni Obiena na burahin ang kanyang personal best na 5.81m. na itinala niya para makuha ang Olympic ticket.

Nakatakda ring sumabak si Obiena sa ISTAF Continental Tour sa Berlin, Germany, sa Rome Diamond League at sa Doha Diamond League.

Date: September 14, 2020 | By: Russel Cadayona | Newspaper: Philippine Star | Source: https://www.philstar.com/pm-sports/2020/09/14/2042310/obiena-bronze-sa-poland-meet/amp/