National boxers atat nang mag-ensayo sa ‘Calambubble’

MANILA, Philippines — Habang nasimulan na ng national karatedo team ang kanilang pagpapakondisyon ay nananatili naman sina Olympic Games-bound Irish Magno at aspirants Nesthy Petecio at Analene Cellon sa loob ng kanilang kuwarto sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna.

Hinihintay pa nina Magno, Petecio at Cellon at iba pang miyembro ng national boxing squad ang resulta ng kanilang Reverse Transcription-Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) tests.

At sa oras na walang magpositibo sa kanila sa coro­navirus disease (COVID-19) ay kaagad silang magbabalik-ensayo na magkakasama.

 

“Under quarantine pa rin po. Sunod lang muna sa mga protocols po ng PSC (Philippine Sports Commission) at ng bubble training po,” wika ng 28-anyos na si Petecio, hangad na makasama sina Magno at Eumir Felix Marcial sa 2021 Olympics sa Tokyo, Japan sa Hulyo.

Kamakalawa ay sinimulan ng mga national karatekas ang kanilang pagpapakondisyon para paghandaan ang sasalihang Olympic qualifying tournament.

“Hindi ko po alam kung kelan po talaga iyong possible na araw ng training po dahil naghihintay lang po kami kung ano iyong sasabihin po sa amin,” sabi ni Petecio, sumuntok ng gold medal noong 2019 AIBA Women’s World Championship.


Maliban sa mga national teams ng boxing at karatedo, nasa ‘bubble’ training din sa ‘Calambubble’ ang national squad ng taekwondo.

Date: January 22, 2021 | By: Chris Co | Newspaper: Philippine Star | Source: https://www.philstar.com/palaro/2021/01/22/2072032/national-boxers-atat-nang-mag-ensayo-sa-calambubble/amp/