Mental health ng athletes tinututukan din ng PSC

MANILA, Philippines — Sa kinakaharap na coronavirus disease (COVID-19) pandemic ay nahinto ang regular na pag-eensayo ng mga national athletes.

Noong Marso ay napilitan ang Philippine Sports Commission (PSC) na pauwiin sa kanilang probinsya ang mga miyembro ng national pool at national training pool dahil sa COVID-19.

Isa si Dr. Rodel P. Canlas ng PSC-MSAS Sports Psychology Unit na tumutulong sa mga national athletes sa kanilang mental health condition.

 

Ayon kay Canlas, malaki ang epekto ng CO-VID-19 pandemic sa mga atleta.

“Kung ang atleta natin kahit malakas, mabilis, skillful pero may dinaramdam siya sa emosyon o sa isip niya, hindi rin siya makakapag-perform at his peak,” wika ni Canlas. “At sinasabi rin na ang mental skills or mental aspect natin when it comes to actual competition, 90 percent po itong nagdidikta kung gaano magiging kagaling ang mga atleta natin pagdating sa actual competition.”

Hinihintay pa rin ng PSC ang ‘green light’ mula sa Inter-Agency Task Force (IATF) para makabalik sa ensayo ang mga national athletes.


“If during the competition, sabihin na natin ‘yung atleta ay may iniindang anxtiey, nerbiyos, takot or matinding depression, talagang posibleng mag-deteriorate or mabago ‘yung quality ng performance ng atleta natin,” ani Canlas.

Idinagdag pa ni Canlas na tinutulungan nila ang mga national athletes na malampasan ang kanilang pagkabagot at depresyon dahil sa coronavirus disease.

Date: September 15, 2020 | By: Russel Cadayona | Newspaper: Philippine Star | Source: https://www.philstar.com/pm-sports/2020/09/15/2042473/mental-health-ng-athletes-tinututukan-din-ng-psc/amp/