Marcial tutok sa ensayo sa Amerika

MANILA, Philippines — Tuluy-tuloy lang sa ensayo si three-time Southeast Asian Games champion Eumir Felix Marcial sa kabila ng kaliwa’t kanang pagsubok na pinagdaraanan nito.

Nakasubsob si Marcial sa matinding pagsasanay kasama si American legendary coach Freddie Roach sa Wild Card Gym sa Hollywood, California.

Walang ibang nasa isip si Marcial kundi ang magpa­lakas para makuha ang inaasam na gintong medalya sa Tokyo Olympics na idaraos sa susunod na taon.

 

Isinasantabi muna ni Marcial ang kalungkutan sa kabila ng pagkamatay ng kanyang kapatid ilang araw matapos itong lumapag sa California noong nakaraang buwan.

“Talagang masakit para sa akin na hindi ko siya makita sa huling pagkakataon pero mas pinili ko pa rin na mag-stay ako rito at matuluy-tuloy ko ‘yung ensayo ko,” ani Marcial sa kanyang guesting sa TOPS: Usapang Sports na live na napanood sa Sports on Air.

Kaya naman nais nitong ialay sa kanyang kapatid at sa buong sambayanan ang magiging kampanya nito sa Tokyo.


Maliban sa Olympics, pinaghahandaan din ni Marcial ang pagsabak nito sa kanyang unang professional boxing fight kasama ang MP Promotions.

Date: November 20, 2020 | By: Chris Co | Newspaper: Philippine Star | Source: https://www.philstar.com/palaro/2020/11/20/2058056/marcial-tutok-sa-ensayo-sa-amerika/amp/