Kumpletong allowance ng National Athletes kasado na!

Nitong Huwebes lang ika-19 ng Nobyembre duma-ting na ng buo ang allowance ng mga atleta para sa buwan ng Oktubre. Kinumpirma ng Philippine Sports Commission (PSC) na nakatanggap sila ng P180 mil­yon na pondo mula sa Bayanihan Act 2. Kaya naman noong nakaraang Linggo lang, ipinahayag na buo nang matatanggap ng National Athletes ang allowances bago sumapit ang Pasko.

Ang hinihintay na payroll ay sa wakas dumating na. Nagkaroon ng kaunting suliranin sa pamamahayag ng advisory sapagkat nag-anunsiyo ang PSC na papalitan ang kalendaryo nang pamimigay ng allowance. Kung dati, aasahan ng mga atleta na matanggap ang allo­wance tuwing ika-10 ng buwan, ngayon, tuwing ika-15 na ng buwan nila ito makukuha. Ngunit hindi nakarating sa lahat ng atleta ang advisory na ito. Hindi ko masasabing kasalanan ito ng PSC sapagkat maaring may pagkukulang din ang National Sports Association (NSAs) sa pagpapahayag ng advisory na ito mula sa PSC patungo sa kanilang mga manlalaro.

Ang ganitong bagay ay napaka-simple kung tutuusin pero napaka-importante rin pansinin sapagkat dito nagsisimula ang hindi magandang daloy ng komunikasyon. Nagtataka ang mga atleta kung bakit wala silang natatanggap at hintay sila ng hintay noong nakaraang November 10 samantalang nabago na pala. Na-delay pa ng apat na araw ang pamimigay ng allowance sa itinakda nilang araw nang pamimigay na nakasaad sa advisory. Ngunit baka rin naman dahil sa pagkakaroon ng bagyo kaya naging hamon ang pag-aasikaso ng allowance o di kaya’y nahihirapan din ang opisina dahil sa man power ngayong humaharap tayo sa malawakang pandemya. 

 

Samantala, inaabangan pa rin ng National Athletes ang ipinangakong 50 pursiyento ng allowance nila mula Hunyo at Hulyo na maibalik sa Disyembre. Ang retroactive na ito ay magiging malaking tulong sa kanila upang makabangon ng bahagya bago matapos ang taon. Inaasahan din na dumating ang ipinangakong 5 libong piso na monetary assistance buhat ng pandemya.

Bagama’t nagkada-delay ang pamimigay ng allowance, nagpapasalamat pa rin kahit papaano ang mga atleta dahil may natatanggap. Tanging hiling lang ng mga manlalaro ay maiwasan na ang pagkadelay ng allowance, maproseso nawa ito sa tamang oras at maisakatuparan ang lahat ng mga ipinangako sa kanila. Minsan, ang hirap ng sa balita lang nakikita ang pahayag ukol sa allowance ngunit hindi pa talaga tulu-yang nararamdaman. Minsan kami namang mga atleta ang nawawalan ng pasensiya kahit na hindi naman masamang maghintay ng kaunti. Ngunit minsan, mas mainam din na gawa muna bago balita.

Date: November 21, 2020 | By: Aby Marano | Newspaper: Philippine Star | Source: https://www.philstar.com/palaro/2020/11/21/2058350/kumpletong-allowance-ng-national-athletes-kasado-na/amp/