Fernandez kukulitin ang IATF para sa bubble training

Atletang isasabak sa Vietnam SEAG
MANILA, Philippines — Bagama’t sa Nobyembre pa ang 31st Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam ay gusto na ni Chef De Mission Ramon Fernandez na masimulan ang pagsasanay ng mga national athletes.

Ang unang hakbang para magawa ito ay ang paghingi ng Philippine Sports Commission (PSC) at ng  Philippine Olympic Committee (POC) ng ‘go signal’ sa Inter-Agency Task Force (IATF).

“As the CDM and a PSC Commissioner I am as interested as everyone for our teams to resume formal training and we are working on it,” wika ni Fernandez.

 
Tiniyak ng PSC at POC na ipapasok ang mga national athletes na sasabak sa 2021 Vietnam SEA Games sa isang ‘bubble’ training.

Nauna nang pinayagan ng IATF ang PSC na ipasok ang mga national teams ng boxing, taekwondo at karatedo sa ‘bubble’ sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna.

 
Ang nasabing mga atleta ay naghahanda sa pag­lahok sa mga qualifying tournaments para sa 2021 Olympic Games sa Tokyo, Japan sa Hulyo.

“We only have IATF go-signal to resume training for the Olympics as of now,” paliwanag ni PSC National Training Director Marc Velasco.

Bibigyan lamang ng IATF ng ‘green light’ ang pagbabalik-ensayo ng mga atleta sa loob ng isang ‘bubble’ environment kasama ang mahigpit na pagpapatupad sa health at safety protocols.

Inangkin ng Team Philippines ang overall championship ng 2019 SEA Games na pinamahalaan ng bansa.

Date: January 30, 2021 | By: Russell Cadayona | Newspaper: Philippine Star | Source: https://www.philstar.com/pilipino-star-ngayon/palaro/2021/01/30/2074007/fernandez-kukulitin-ang-iatf-para-sa-bubble-training?fbclid=IwAR3XXBOC9Wn-N7cxNpG6dETFfSlb3ibaPuaapCEIY8TdWQ3o1qd8XXIqCxk