Fernandez Chef de Mission ng 2021 Vietnam SEAG

MANILA, Philippines — Hinirang ni Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham ‘Bambol’ Tolentino si Philippine Sports Commission (PSC) Commissioner Ramon Fernandez bilang Chef de Mission para sa 31st Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam.

Ayon kay Tolentino, gusto niyang maduplika ang nangyaring pagluklok kay PSC chairman William ‘Butch’ Ramirez bilang Chef De Mission sa 30th SEA Games kung saan inangkin ng Team Philippines ang overall championship noong Disyembre ng 2019.

Humakot ang mga national athletes ng kabuuang 149 gold, 117 silver at 121 bronze medals para dominahin ang nasabing edisyon ng biennial event.

 

“When we won the overall SEAG title in 2019, chair Butch (Ramirez) was the last CdM, so why not give it to one of its own,” ani Tolentino sa unang executive board meeting ng POC kahapon sa East Ocean Palace sa Pasay City.

Idedepensa ng Team Philippines ang korona sa 2021 SEA Games sa Vietnam sa Nobyembre.

Aminado si Tolentino na mahihirapan ang mga Pinoy athletes na maipagtanggol ang titulo dahil sa kakula­ngan ng ensayo bunsod ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic.


Iniupo rin ni Tolentino si Ricky Lim ng karate bilang Chef De Mission para sa 2021 Asian Indoor and Martial Arts Games (Aimg) sa Thailand katuwang si Alvin Aguilar ng wrestling.

Date: January 13, 2021 | By: Russell Cadayona | Newspaper: Philippine Star | Source: https://www.philstar.com/palaro/2021/01/13/2069946/fernandez-chef-de-mission-ng-2021-vietnam-seag/amp/