Didal itinampok din sa Olympic Channel

MANILA, Philippines — Matapos si national pole vaulter Ernest John Obiena ay si skateboarder Margielyn Didal naman ang itinampok sa Olympic Channel.

Sa original series na “By Her Rules” ay ipinakita ng Olympic Channel ang pagsikat ni Didal mula sa pagiging isang ordinaryong skater sa kalsada ng Cebu City hanggang sa pagkopo sa mga gold medals noong 2018 Asian Games at 2019 Southeast Asian Games.

“I’m honoured to be able to share my story in the @olympics series “By Her Rules.” I want to thank @antclaravall for helping me get a passport so that I could get to where I am today,” wika ni Didal sa kanyang social media post. “Also I would like to thank everyone behind my successes ! You know who you are! Click the link in my bio to watch the full episode!.”

Hangad ng 21-anyos na si Didal na maging pang-walong Pinoy athlete na maglalaro sa 2021 Olympic Games sa Tokyo, Japan matapos sina Obiena, 2016 Rio de Janeiro Olympics silver medalist Hidilyn Diaz ng weightlifting, Carlos Edriel Yulo ng gymnastics at Eumir Felix Marcial, Irish Magno, Nesthy Petecio at Carlo Paalam ng boxing.

Kasalukuyan nang nagsasanay si Diaz sa United States para sumabak sa Iowa Dew Tour sa Des Moines sa United States sa Mayo 7 hanggang 23.

Date: May 4, 2021 | By: Russell Cadayona | Newspaper: Philippine Star | Source: https://www.philstar.com/pm-sports/2021/05/04/2095708/didal-itinampok-din-sa-olympic-channel/amp/