Dela Pisa balik-Hungary para paghandaan ang Vietnam SEAG

MANILA, Philippines — Ngayon pa lamang ay pinaghahandaan na ni national gymnast Daniela dela Pisa ang kanyang pagsabak sa 31st Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam sa Nobyembre.

Bumalik ang 17-anyos na si Dela Pisa, inangkin ang gold medal sa hoop event ng women’s rhythmic gymnastics noong 2019 SEA Games, sa Hungary para magsanay.

“She’s back in Hungary training,” ani national coach Whynn Reroma kay Dela Pisa na kumuha rin ng dalawang bronze medal sa ball at club events ng 2019 SEAG. “She’s already preparing for the SEA Games in Vietnam.”

Nakatakda ang 2021 Vietnam SEA Games sa Nob­yembre 21 hanggang Disyembre 2.

Noong Disyembre ay sinikwat ni Dela Pisa, isang cancer survivor, ang dalawang gintong medalya sa hoops at clubs categories ng 2020 Santa’s Cup sa Budapest, Hungary.

Si Hungarian gymnast world champion Dora Vass ang nagsasanay kay Dela Pisa.

Kasama ni Dela Pisa sa Hungary si Pinay gymnast Breanna Labadan na nanalo rin ng isang gold at dalawang silver medals sa balls event at ribbon at all-around competition, ayon sa pagkakasunod, sa nasabing torneo sa Budapest.

Date: January 31, 2021 | By: Russell Cadayona | Newspaper: Philippine Star | Source: https://www.philstar.com/palaro/2021/01/31/2074182/dela-pisa-balik-hungary-para-paghandaan-ang-vietnam-seag/amp/