PSC fitness and conditioning seminar, malaking bentahe sa athletes, coaches

PSC fitness and conditioning seminar, malaking bentahe sa athletes, coaches

By: Angie Oredo (Balita)

Ikinatuwa ng national coaches at trainor mula sa iba’t ibang sports ang natutunang bagong kaalaman sa fitness and conditioning seminar na inorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC), kasama ang Amerikanong lecturer at writer din na si Milo F. Bryant sa Philsports Multi-Purpose Arena.

Umabot sa mahigit na 350 katao ang dumalo sa apat na araw na seminar na nakatuon sa makabagong taktika para mas palakasin ang kondisyon at patatagin ang lakas at tibay ng mga atleta na gamit ang iba’t ibang sistema na nakatuon sa pisikal na pangangatawan.

“So far, maganda ang reception ng ating mga national coach and other attendees sa seminar. Actually, our aim is for the transfer of techniques and the knowledge on conditioning our athletes. Hopefully, at the end of the seminar, our trainors can implement what they have learn from our resource person,” sinabi ni PSC chairman Richie Garcia.

Si Bryant, sports columnist ng Colorado Springs Gazette, ay nag-espesyalisa sa long term athletic development program para sa iba’t ibang aktibidad sa kabataan at pagsasagawa ng mga programa para sa pagpapakondisyon ng mga atleta.

Maliban sa dumalong 170 national coaches mula sa 52 national sports associations, nagpadala din ng kanilang mga representante ang 78 local government units na ang pinakamalayo ay mula sa Koronadal City at Baguio City.

Nagpadala din ang Department of Education ng kabuuang 30 coach/teacher at maging sa collegiate leagues na UAAP, NCAA at SCUAA.

Ilan sa personal na nakibahagi sa mga makabagong kaalaman ay ang grupo ng boxing na pinamumunuan nina coach Roel Velasco, Ronald Chavez at Pat Gaspi, gayundin ang weightlifting na dinaluhan nina coach Renato Agustin at Leonardo Liena at ang women’s boxing nina Heidi Ong at Gina Francisco.