PNG, isusunod agad sa Palaro

PNG, isusunod agad sa Palaro
By: Angie Oredo (Balita)

Ilalarga agad nang mas maaga ng Philippine Sports Commission ang pagsasagawa ng POC-PSC National Games sa susunod na taon.

Ito ang inihayag ni PSC Chairman Richie Garcia na aniya’y makaraan ang isang linggo, pagkatapos ng Palarong Pambansa, agad na nilang isusunod ang POC-PSC National Games na gaganapin pa rin sa Maynila.

“The PNG will be started one week after the close of the Palaro,“ sinabi ni Garcia habang nakatakda namang simulan ang ebalwasyon ng pambansang atleta na hindi nakapagpakita ng magandang paglalaro sa torneo.

“This is in consideration of the venues and facilities used as billeting and accommodation. Medyo nagreklamo sa atin ang mga ginamit na schools na wala na silang time para linisin ang eskuwelahan dahil kinabukasan ay pasukan na agad,” pahayag nito.

Isinagawa ang PNG simula noong Mayo 18 hanggang Hunyo 2 na lubhang gipit sa panahon dahil nagsimula naman ang pasukan nito lamang Lunes (Hunyo 3).

Marami ding atleta mula sa 17 rehiyon at malalayong probinsiya ang hindi nakasali sa torneo dahil na rin sa dikit na masyado sa pasukan ang Games na tinatampukan ng mga pinakamahuhusay na atleta ng bansa.


Ilang pambansang atleta ang nakalasap naman ng kabiguan sa torneo na isang kuwalipikasyon para makonsidera kung makakasama sila sa gaganaping 27th Southeast Asian Games sa Myanmar sa Disyembre 11-22.


Kabuuang 42 isports ang isinagawa ngayong taon sa iba’t ibang lugar sa Maynila.