PH weightlifters, nakatutok sa Olympics

PH weightlifters, nakatutok sa Olympics
By: Angie Oredo (Balita)

Asam ng pitong weightlifters, sa pangunguna ni Beijing at London Olympian Hidilyn Diaz, na makatuntong sa 2016 Rio De Janeiro Olympics sa ambisyon ng Philippine Weightlifting Federation na maging unang national sports association na makapagbibigay ng mailap na gintong medalya sa Pilipinas sa kada apat na taong torneo.

Tatlong buwang magsasanay sa Nanning at Guangxi sa China sina Diaz, Christopher Bureros, Richard Pep Agosto, Jeffrey Garcia at Nestor Colonia kung saan ay personal silang gagabayan nina coach Tony Agustin at beteranong Olympian na si Ramon Solis.

“Gusto ng mga bata na mapaganda ang tsansa natin hindi lamang sa Myanmar SEA Games kundi maging sa Rio Olympics. Kasi kung maraming makuwalipika, mas malaki ang tsansa natin na manalo ng medalya,” sinabi ni Agustin.

Maliban sa parte ng kanilang paghahanda para sa 2013 Southeast Asian Games sa Myanmar, sinabi ni Agustin na nakatuon ang buong koponan na makalapit sa rekord sa SEA Games at maging sa Olympics, particular si Diaz na mula sa 58kg ay aangat na sa 63kg.

Sariwa pa sa pagtala ng bagong rekord si Diaz sa ginanap na POC-PSC National Games sa binuhat nitong 100 sa snatch, 123 sa clean and jerk para sa kabuuang 223kg. Gayundin si Nestor Colonia sa 62kg na bumuhat ng 123 sa snatch, 161 sa clean and jerk para sa total na 284kg.

Ang binuhat ni Diaz ay malapit naman sa ginawa ni Pimsiri Sirikaew ng Thailand na iniuwi ang gintong medalya noong 2011 SEA Games sa 98kg sa snatch, 131 sa clean and jerk para sa kabuuang 229kg. Halos nalalapit din ito sa nagwagi ng tanso sa 2012 London Olympics na si Christine Gerard ng Canada na 103-133-236.

“Kilalang-kilala ang probinsiyang iyon sa China pagdating sa weightlifting. Paghahandaan namin doon na mailapit nang husto at makapagdagdag pa sila ng mabubuhat saka matuto ng mga bagong technique,” sinabi pa ni Agustin.

Matatandaan na nagwagi si Diaz ng pilak habang sina Bureros at Agosto ay nagbulsa ng tanso noong 2011 SEA Games sa Indonesia.

Ang 16-anyos na si Garcia ay nagwagi naman ng tatlong gintong medalya sa 58kg habang si Colonia, pamangkin ni 1988 Seoul Olympian Gregorio Colonia, ay nagkasya sa dalawang pilak sa 62kg sa paglahok sa 2012 Asian Junior Weightlifting sa Myanmar.

May pitong weight categories ang paglalabanan sa Myanmar.