IMG20180317141848
 
Calbayog City – Yakap ang matinding ang hangarin na mapasama sa national team ay itinala ng Typhoon Yolanda survivor na si Jilyn Dela Cruz ng Leyte Sports Academy ang maigting na panalo upang tumuntong sa ambisyon nito sa pagtatapos ng 2018 PSC-Pacquiao Amateur Boxing Cup Visayas Semifinals dito Sabado ng hapon sa Calbayog Bus Terminal.
 
Binigo ng panganay sa tatlong magkakapatid na 15-anyos at Grade 9 sa LSA na si Dela Cruz si Tricia Marie Llamas ng Cebu City sa unanimous decision, 5-0, upang umusad sa kampeonato para sa rehiyon ng Visayas pati na rin sa pagsiguro sa kanyang silya sa National Championships.
 
“Nag-aral po ako ng boxing para self-defense ko saka po para makapag-aral ako. Gusto ko po matulungan ang mga magulang ko saka pati iyung dalawa kong kapatid na makapag-aral din,” sabi ni Dela Cruz, na isa sa mahigit na 100 bata na nakapagtago sa loob ng eskuwelahan habang humahagupit ang bagyong Yolanda noong 2013.
 
“Gusto ko po maging unang babaeng boxer na maging Olympian,” sabi pa ng maganda at may taas na 5-feet na si Dela Cruz na nakapagwagi ng ginto sa 2016 Bacolod at 2017 Dumaguete Batang Pinoy  sa pagkapanalo nito sa Junior Girls Pinweight (44-46kg).
 
Makakasagupa ni dela Cruz si Jeyann Medriano ng Talisay.
 
Nagwagi naman sa Junior Boys Pinweight (44-46kg) ang 17-anyos at Grade 10 sa Bacolod City National High School na si Kim Catedrilla ng Sapuyan Boxing Club-Bago City kay Kane Paul Redondo (Neg. Occidental) sa split decision (3-2).
 
Hindi din nagpaiwan ang 15-anyos at Grade 7 sa Ramone National High School na si Rodel Gamo ng Bago City at iniidolo mismo si 8-time world boxing champion na si Manny Pacquaio sa unanimous decision (5-0) panalo kontra Armand Jake Aragon ng Murcia sa Junior Boys Pinweight (44-46kg.).
 
Nagwadi sa Junior Boys Light Flyweight (48kg.) ang 16-anyos at Grade 9 sa Abellana National High School na si Eduardo Jimenez ng Cebu kontra Eduardo Luceno Jr. mula Escalante City.
 
Pinamakarami ang Bago City na sumagapa para sa posibleng gintong medalya na may siyam habang ang Omega-Cebu (5), Victorias (5), Murcia (4), Cebu (3), Cadiz (2), Escalante (2), CCSI (1), Bayawan (1), La Carlota (1), Sipalay (1), SBC (1), Negros Occidental (1) at Leyte Sports Academy (1).
 
Ang mga nagwagi ay sasagupa naman sa Visayas Finals na gaganapin sa Mayo 5 sa Maasin City, Leyte.
Dagdag na insentibo sa medalyang mapapanalunan sa Visayas semifinals ang pagkakasiguro din ng kanilang silya sa mas mahirap na yugto ng torneo na National Championships.
 
Maglalabo-labo muli ang lahat ng mga boxers na nagwagi sa Luzon, Visayas at Mindanao sa National Championship na dadaan sa preliminaries na gagawin sa Mandaluyong City sa Hunyo 16-17, uusad sa quarterfinals sa Hunyo 23-24 sa Tagbilaran, Bohol sa Hunyo9-10, sa semifinals sa Hunyo 30 sa Tagum City, Davao Del Norte at panghuli sa National Finals sa Hulyo 7 sa Sarangani Province. 

 

By: Angelito Oredo