Athletes, PSC employees, tumulong sa Bayanihan relief operation
By: Angie Oredo (Online Balita )

Pansamantalang tumigil sa kanilang pagsasanay sa nalalapit na 27th Southeast Asian Games ang mahigit sa 30 atleta upang tumulong sa malawakang Bayanihan relief operation sa mga naging biktima at naapektuhan ng super typhoon ‘Yolanda’.

Nakisalo at hindi nag-aksaya ng oras ang mga miyembro ng dragonboat, judo, taekwondo at wrestling, kasama ang Sali’t salitang relyebo ng mga empleyado ng Philippine Sports Commission na tumulong sa pag-rerepack ng relief goods na isinasagawa sa Ninoy Aquino Stadium sa loob ng Rizal Memorial Sports Complex.

“We thank all those who help in their own way, including 30 of our national athletes who took time out of their training for the coming Myanmar SEA Games to help in the repacking of relief goods at pati na rin sa ating mga empleyado para matulungan at mabigyan ng pagkain ang ating mga kababayan,” pahayag ni PSC Chairman Richie Garcia.

Nakasama ng mga atleta at empleyado ng PSC ang mga kawani din mula sa City of Manila at Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa paghahati-hati sa mga pangunahing pangangailangan ng mga biktima.

“We need to make 10,000 packs a day, for at least 15 days, for the target of the government to help at least 10 million people affected in the entire region of Visayas,” sinabi pa ni Garcia.

Ilan naman sa miyembro ng karatedo ang naideklarang ligtas bagamat isa nilang opisyal na si Ramon Franco ang nawalan ng kabahayan.

Ganito din ang naganap sa ilang miyembro ng wushu habang apektado din ang presidente ng Philippine Volleyball Federation na si Geoffrey Karl Chan.